Nasaan Si Ann Shirley











{December 29, 2008}   May Buhay Sa Looban

Hindi ko alam kung paano sisimulan ang unang blog ko. Gusto ko sana na kagaya ito ng ibang blog na nababasa ko. Yung Ingles. Yung malakas agad ang dating. Pero kung gagawin ko yun, hindi ako yun. Hindi ko sinasabi na magaling pa mag-Ingles si Erap sakin. Gusto ko lang na makilala agad kung sino ako sa una kong blog. Kaya napagdesisyunan ko na simulan ito sa isang kuwentong napamahal na sakin.

 

“May Buhay Sa Looban.” Isa ito sa pinakapaborito kong kuwento na gawa ng isang manunulat na Pilipino. Si Pedro S. Dandan. Nabasa ko ito nung nasa hayskul palang ako. Marami kasing kuwento sa libro namin sa Pilipino na nakahiligan ko ng basahin kahit walang pasok. Ito ay simpleng istorya ng paglaki sa isang lugar at pagkakaibigan. Istorya ng pamamaalam sa lugar kung saan nagsimula ang pagkilala sa sarili.

 

Grupo sila ng mga kabataan na nakatira sa Looban. Magulo. Mabaho. Tabi-tabi ang mga bahay.  Mga barong-barong na pinagtagpi ng mga tirang yero at kahoy. Mga tambay na pinagkakatuwaan ang mga taong nagdaraan. Sa Looban nabuo ang pagkakaibigan ng ilang kabataan. At sa Looban na din nabuo ang matamis na pagtitinginan nina Popoy at ang kanyang sinta. 

 

Bakit ko minahal ang kuwentong ito? Tulad ng nasa kuwento, Looban din ang tawag sa compound kung saan kami nakatira dati. Sa kuwentong ito naaalala ko ang aking kabataan. Ang mapabilang sa mga batang kilala sa looban. Hindi naman ako kabilang sa mga siga sa amin. Siguro dahil kamag-anak namin yung may-ari ng compound. 

 

Sa Looban ako nagkaisip. Bumuo ng mga samahan. Apat kaming babaeng magkakaibigan na naglalaro ng bahay-bahayan habang yung mga ka-labtim namin ay panay ang pa-kyut samin. Sinasamantala naman namin ito sa pamamagitan ng pag-utos na ikuha nila kami ng gulay-gulayan. Sa Looban din nagsimula ang mga simpleng crushes. Crushes kasi ang dami nila. Nandyan si Gerry, Cenon, Jose at Kano. Meron pang iba pero mukha na lang ang natatandaan ko sa kanila. Kapag naaalala ko nga ang mga pagkakataon na yun, di ko mapigilan ang matawa na lang. Nandoon pa kasi yung nahihiya kang lapitan yung crush mo. Yung di maubos na tuksuhan. Yung manakawan ka ng halik sa pisngi. Talagang malayo na ang narating ng panahon.

 

Ilang taon na ang nakakalipas ng lisanin ko ang Looban. At muli akong bumalik dito. Hindi para doon na muling tumira pero para lamang bumisita. Gaya ng dati, nasasabik pa rin akong makita ang Looban. Halos di ko na nga ito makilala. Napakarami ng tindahan sa daanan na halos matabunan na ang pasukan dito. Mas masikip na ang daan. Ang populasyon ay dumoble na. Si Wiwi ilan na ang anak pero di pa rin sila kasal ni Boyet. Si Ate may anak na din. Giniba na yung dating bahay ng bespren ko. Madami ng mukhang pumalit sa mga sigang nagpaalam na din sa Looban. Yung bilas kong hilaw lalaki din ang anak. Ang kuya nya na pangalawang naging kalabtim ko sa Looban (una kasi yung utol ng bespren ko pero ang crush ko eh yung kuya nila), ay nagtatrabaho na ngayon at may gerpren na din. Yung mga batang sipunin at bulol noon ay malalaki pa sakin ngayon. Kung bibigyan siguro ako ng pagkakataon na bumalik sa nakaraan at maranasan muli ang kabataan ko sa Looban, hindi ako magdadalawang-isip.

 

Muli ko na naman nilisan ang Looban. Pero di na gaya ng dati na maluha-luha pa ko nung lumipat kami ng bahay. Ngayon, di nako takot umalis doon. Siguro kasi malaki na rin ang pinagbago ng Looban. Marami na silang piniling umalis at ipagpatuloy ang buhay sa ibang lugar. Doon sa mas tahimik. Doon sa hindi magulo. Pero kahit ano pa man, alam ko na iisa lang ang nararamdaman namin. Mahal pa rin namin ang Looban at ito pa rin ang pundasyon ng kabataan at pagkakaibigan namin.

Advertisements


et cetera